THE OFFICIAL WEBSITE OF THE MUNICIPAL GOVERNMENT OF SAN MATEO, RIZAL
HOME / GOVERNMENT / ABOUT
Isang bayang masigla, matatag at makakalikasan na may tapat at responsibong pamahalaang para sa lahat.
Ayon sa “BIBLIOTICA HISTORICA FILIPINA” ni Fray Juan de Medina, ang pook na ito ng San Mateo ay natuklasan noong pagkatapos ng taong 1571. Ngunit ayon naman kay Padre Cavada, paring Agustino ang bayang ito ay natatag noong 1596. Sa biglang masid, tila may hidwaan ang dalawang naturang petsa. Datapwa’t ang makasaysayang talaan ng mga nagging gobernadora na Kastila sa Filipinas, si MIGUEL LOPEZ DE LEGASPI ay siyang unang nanungkulan noong taong 1572. Subalit sinasabi, na dalawang taon bago dumating sa Maynila si Legaspi buhat sa Cebu, ay ipinauna ang kanyang pamangking si JUAN SALCEDO na may kasamang 150 mga kawal upang ihanda umano ang pagpapasinaya sa Lungsod ng Maynila. Samaktuwid kung ang San Mateo noon ay itinuring na bahagi ng Tondo, nangangahulugan si JUAN SALCEDO ang nakatuklas sa pook ng SAN MATEO bago pinasinayaan ni Legaspi ang Lungsod ng Maynila noong ika-25 ng Hunyo 1571. Sa kabilang dako naman, ayon sa kasaysayang isinulat ni Padre Cavada, ang unang simbahang munti ng San Mateo sa bayang ito ay itinayo sa tabi ng ilog sa dakong habagat noong 1596, sa kaarawan (fiesta) ni San Mateo. Noong Hunyo 11, 1901, ipinasa ng Philippine Commission ang Republic Act No. 137 na nagsasama ng bayang ito sa kamakailang itinatag na Lalawigan ng Rizal. Ang Act. No. 942, na pinagsama-sama ang mga Munisipalidad ng San Mateo at Montalban sa iisang pamahalaan na pamumunuan ng San Mateo, ay ipinasa ng Philippine Commission noong 1903 "alinsunod sa patakaran ng ekonomiya at sentralisasyon" na taliwas sa kasalukuyang patakaran ng desentralisasyon. Ang Executive Order No. 20, na may petsang Pebrero 29, 1908, ay opisyal na nagtatag ng katayuan ng San Mateo bilang isang malayang munisipalidad sa pamamagitan ng paghahati nito sa Montalban.
Ito ang sagisag ng bayan ng San Mateo. Sa bandang itaas ng sagisag ay nakasaulat ang pangalan ng Pamahalaang Bayan ng San Mateo sa isang putting laso. Ang putting laso ay sagisag ng malinis na hangarin ng Pamahalaang Bayan sa kanyang mamamayan. Ang labinlimang maliliit na mga bituin ay sagisag ng labinlimang barangay na bumubuo sa bayan ng San Mateo, sa bandang gitna ay nakalarawan ang tatlong malalaking bituin, araw, kulay bughaw at pula na nagsasagisag ng kulay ng bansang Pilipinas. Sa bandang ibaba ng kulay ng Pilipinas ay nakalarawan ang apat na mahahalagang sagisag ng mga pangunahing layunin o adhikain ng pamahalaang bayan ng San Mateo para sa kanyang mga mamamayan. Ang unang sagisag na nasa gawing kaliwa, ay sagisag ng kalusugan. Layunin ng Pamahalaang Bayan na maging malulusog ang kanyang mga mamamayan upang sila ay maging maligaya at matahimik. Ang ikalawang sagisag ay timbangan. Ito ay sagisag ng katarungan. Nais ng Pamahalaang Bayan na mabigyan ang kanyang mga mamamayan ng pantay-pantay na proteksyon ng batas. Ang katarungan ay para sa mga mahihirap at mayayaman na walang anumang kapalit. Ang ikatlong sagisag ay aklat at sulo. Ito ay sagisag ng edukasyon. Layunin ng Pamahalaang Bayan na mabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang bawat isang mamamayan upang ang kanyang kakayahan ay malinang at matuto siyang maging matapat, mapagmahal, masipag matatag at marunong humarap sa darating na kinabukasan. Ang ikaapat na sagisag ay pabrika. Ito ay sagisag ng kabuhayan ng mga mamamayan. Layunin ng Pamahalaang Bayan na mabigyan ang kanyang mamamayan ng kapaki-pakinabang at maunlad na pamumuhay upang sila ay magkaroon ng produktibo at disenteng lugar sa lipunan at bayan ng San Mateo na kanyang tinitirhan. Sa bandang ibaba ng sagisag ay nakasulat sa puting laso ang lalawigan ng Rizal. Ito ay ang lalawigan na kung saan ang bayan ng San Mateo ay isa sa labing-apat na bayan.